MAY MGA TUGTUGING HINDI KO MALIMOT


This Tagalog poem was written in the early 20th century by the prolific Filipino poet Jose Corazon de Jesus.


MAY MGA TUGTUGING HINDI KO MALIMOT


O may mga tugtog na nagsasalita,
malungkot na boses ng nagdaralita;
pasa-bahay ka na ay nagugunita’t
parang naririnig saanman magsadya.
Langitngit ng isang kaluluwang sawi,
panaghoy ng pusong nasa pagkalungi;
laging naririnig sa bawat sandali
ang lungkot ng tugtog na mapawi’y hindi.
Ikaw baga’y daing ng nakaligtaan?
Ikaw baga’y hibik ng pinagtaksilan?
Matutulog ako sa gabing kadimlan
ay umuukilkil hanggang panagimpan.
Oo, mayr’ong tugtog iyang mga b’yoling
tila sumusugat sa ating panimdim;
bawat isang tao’y may lihim na daing,
pinakakatawan sa b’yoling may lagim.
Sa lahat ng gabi sa aking pag-uwi,
kung ako’y hapo na na makitunggali,
ang bawat tugtugi’y kalulwa ng sawi
ako’y dinadalaw sa bawat sandali.
May isang tugtuging hindi ko malimot,
kinakanta-kanta sa sariling loob;
hiniram sa hangin ang lambing at lamyos,
awit ng ligayang natapos sa lungkot.

https://www.tagaloglang.com/may-mga-tugtuging-hindi-ko-malimot/

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

A Filipino Dream - My Spirit

ANG KANYANG MGA MATA

SA TABI NG DAGAT